Walang Sisihan!!!

283757_10151475741218791_1930644166_n

Dear fans and followers,

Isang malagim na araw sa inyong lahat. 😦

Alam kong kasalukuyan kayong nagluluksa sa very disappointing partial result ng 2013 elections. Alam kong ngayon ay panay ang pahid n’yo ng calming lotion sa katawan para ma-kalma ang inyong nanggagalatiing emosyon sa mga nangungunang Senators so far. Alam kong marami sa inyo ang nagpunta sa salon or spa para mag-relax at makalimutan ang horrors ng eleksyon. Naiintindihan ko ang inyong sentimyemto. Kasi NALOLOKA RIN AKO!!! 😦

Anong nangyari?! Bakit ganito ang resulta? Bakit SILA-SILA NA NAMAN?! Bakit hinayaan na naman nating MAULIT ang lahat?! Bakit sila na naman ang ating hinalal?! Bakit hinayaan nating masayang ang ating magandang nasimulan?! ‘Di ba gusto natin ng PAGBABAGO?! ‘Eh bakit ito na naman tayo?!

Haaaay… Diyos ko! Kahapon pa sumasakit ang bangs ko sa mga pangalang nakikita ko sa mga partial/unofficial result ng eleksyon. Ayoko na ngang tumingin sa TV kasi naiirita ako lalo. Nakakainis! Nakakagalit! Nakakapikon! 😦 Pare-parehong mga pangalan na naman ang mananalo. Sila-sila na naman. ‘Yun at ‘yun na naman. Nasilaw na naman tayo sa mga paulit-ulit na pangalan sa pulitika. Nagpauto na naman tayo sa kanila. GRABE.

Gusto ko manapak sa inis. Gusto ko magbasag ng mga plato para ma-release ‘tong inis na nararamdaman ko. Kaso konti lang ang plato namin sa bahay ‘eh so sa blog ko na lang ilalabas ang lahat. 😉

Magpapakatotoo na ako. Galit ako! Galit ako sa mga Pilipino! Gusto kong layasan ang punyetang bansang ‘to! Masama ang loob ko ngayon kasi hindi tayo natututo sa kasaysayan. Naiinis ako kasi ang bilis-bilis nating makalimot! Galit ako kasi ang bilis nating mauto! Galit ako kasi hinalal na naman natin ang mga mismong taong naging sanhi ng ating mga pagdudurusa noong mga nakaraang taon. Imbyerna ako kasi hinayaan na naman nating maghari ang mga taong minsan nang nanamantala at nang-abuso sa mga Pilipino. Naiirita kasi ang hilig-hilig nating MAGTIIS where in fact kayang-kaya naman nating baguhin ang lahat! Hobby talaga nating magdusa ‘no?! Nae-enjoy talaga natin ang suffering ‘no?! NAKAKALOKA!!!

Ang sad kasi ang lapit na natin sa PAGBABAGONG gusto nating makamit pero pinakawalan na naman natin ulit ang chance na ito. Haaay… Wala na akong masabi kundi puro buntong-hininga na lang. 😦 Sa totoo lang, ayoko na sana itong isipan pa. Ayoko na sana itong problemahin pa kasi marami din akong mga iniisip sa personal kong buhay gaya ng kawalan ng lovelife. Pinipilit kong deadmahin na lang ang bagay na ito at mag-move on na lang sa buhay ko. But I JUST CAN’T! Naiinis ako na patuloy akong binabagabag ng isipan ko sa bagay na ito. Shet.

Akala ko may magbabago na. Akala ko matatalino na tayo. Akala ko ay mga wais na tayo. Sadly, HINDI PA PALA. 😦 Ang taas-taas ng hope ko sa mga kapwa ko voters. Sobrang taas ng faith ko na hindi na tayo magpapaloko at iboboto na natin ang mga TAMANG TAO. Ang taas ng pananalig ko na makakamit na natin sa wakas ang tunay na PAGBABAGO. Na hindi na natin iboboto ang mga trapo at mga walang-kwentang pinuno. Apparently, nabigo ako. 😦

Emotions aside, ang resulta ng naganap na eleksyon ay may malaking sinasabi sa ating mga Pilipino– marami pa rin talagang sa atin ang nabubuhay sa dilim at kawalan ng tamang impormasyon. Isang malaking wake-up call ito para sa mga kagaya kong nagnanais ng TUNAY NA PAGBABAGO. Sadly, sa kabila ng kaliwa’t kanan nating mga paandar sa social media, kulang pa pala ang effort natin para abutin ang puso at isip ng mas marami nating kababayan. Magkaiba pa rin pala ang mundong ginagawalan natin sa mundong ginagalawan ng mga ordinaryong masang Pilipino na nakatira sa mga probinsya at malalayong lugar. May ibang mundo pa palang nage-exist sa mga far flung areas na walang access sa internet. Nakalimutan nating may ibang reality pa pala sa bansang ito.

Nakakalungkot. Hindi ko talaga mapigilang malungkot. Dismayado ako sa mga kapwa ko Pilipino. 😦

Pagbigyan n’yo na ako sa emotional breakdown na aking nararanasan ngayon. Ibigay n’yo na sa akin ang moment na ito. Hindi ko pa rin kasi matanggap ang lahat. Pero makaka-move on rin ako. Gaya ng dati, magmo-move rin ako. Wala namang akong choice, ‘di ba?! Ano ba naman ang isang boses ko laban sa boses ng milyung-milyong Pilipinong nagpauto sa mga trapong pulitiko. Sino ba naman ako.

Anyway, sa puntong ito, gusto ko na lang magbigay ng mensahe sa mga mananalong Senador ng bansang ito. Ang fierce ‘nung may message no? Lakas maka-show biz. 😉 Ito na lang ang magagawa ko for now. Wala na ‘eh. Andy’an na ‘yan. Hindi na ako makakapalag.
_______________________________________________
946549_10152801750355596_709563182_n
_______________________________________________
Grace Poe

Pasalamat ka sa apelyido ng tatay mo. Pasalamat kay kay Fernando Poe Jr. kasi siya ang nagpanalo sa’yo. YOU OWE HIM THIS VICTORY! Kung “Santos” o kaya “Ocampo” ang apelydio mo, wala ka sa pwesto mo ngayon. Alam mo ‘yan! Ang convenient din talaga ng may powerful na surname no?! Nagiging madali rin talaga ang lahat para sa’yo. Sa totoo lang, hindi kita binoto kasi lagi kang nagtatago sa apelyido ng tatay mo. Hindi ako bilib sa ganyang atake kaya hindi mo nakuha ang boto ko. Oh well, sana na lang ay “makipagbakbakan” ka talaga para sa tunay na pagbabago kapag nasa Senado ka na. Kasi kung ako ang masusunod, sa show biz kita ilalagay para mabuhay mo ang action films sa Pilipinas since gusto mong sundan ang yapak ng tatay mo. I think exciting din na makitang babae ang gumanap sa role na “Panday” for once.

Loren Legarda

At tibay mo rin talaga, girl. Lagi’t lagi kang pasok sa eksena kahit anong mangyari. Pero ang shocking ‘nung na-upstage ka sa number 1 spot ha. How does it feel na hindi na ikaw ang reyna? Basta ang message ko lang sa’yo is ayusin mo ang pag-file mo ng SALN next time. Declare-declare rin ng mga properties ‘pag may time ha? Ang tagal-tagal mo ng public servant tapos mali-mali pa rin ang SALN mo?! Wow ha. Sana ay maisama mo naman kame minsan sa posh na condo mo sa New York. Kahit overnight stay lang, ok na ako.

Edgardo Angara, Bam Aquino, Koko Pimentel, Cynthia Villar, JV Ejercito

Pasalamat rin kayo sa mga kamag-anak n’yo. Pasalamat kayo sa mabangong apelyido n’yo. Nawa’y patunayan n’yo na IBA kayo sa mga kamag-anak n’yo. Na may taglay rin kayong sariling husay at galing sa pamumuno. Hindi ko rin kayo binoto kasi umay na umay na ako sa mga angkan n’yo. Personally, hindi ko na kailangan ng isa pang Angara, Aquino, Pimentel, Villar at Ejercito sa buhay ko. Tama na ang perwisyong ginawa ng mga ninuno n’yo. Buti na lang at marami kayong nauto para bumoto para sa inyo. And congrats for that.

Alan Peter Cayetano and Antonio Trillanez IV

Sana mas maging pursigido kayo sa tunay na pagbabago. Sana ay mas maging maigting pa ang inyong pagsisikap para mas mapabuti ang buhay ng mga Pilipino. Kayo na lang siguro ang pinaka-ok sa mga mananalong Senador kaya sa inyo na lang ako kakapit. Sana naman ay hindi n’yo ako biguin. Sana naman ay paninidigan n’yo ang mga pangakong binitiwan n’yo during the campaign period. Again, please do not disappoint me. I had enough!

Chiz Escudero

Wala akong masyadong mensahe sa’yo kasi in love ka gaya ng sabi mo. At usually, mahirap kausap ang mga taong in love so hindi na ako magsasayang ng oras. Gusto ko lang sabihin ng bumaba ang tingin ko sa’yo dahil sa ka-cheapang kinasangkutan mo with Heart Evangelista’s parents. Galingan mo na lang. Sana gamitin mo ang inspiration and love na nararamdaman mo ngayon para mas higit na magsilbi sa bayan. Remind lang kita, 43 years old ka na so sana ay kumilos ka nang naaayon sa edad mo. Ibigay mo na kina Daniel Padilla at Kathryn Bernado ang pa-tweetums role. Hindi na kasi bagay sa’yo. Please lang.

Nancy Binay

At syempre, papahuli ba naman ang message ko sa paborito kong si Nancy Binay?! Save the best for last!

Hello Nancy. Taray mo, girl. Pasok na pasok sa banga! Hindi ka rin talaga natinag! Iba talaga kapag maitim na damo. Mahirap mapabagsak.

Sa totoo lang, hanggang ngayon ay hinahanap ko pa rin ang sapat na lakas ng loob na tanggapin ka bilang Senador ng bansang ito. Hanggang ngayon ay kinukumbinsi ko pa rin ang sarili ko para matanggap ka. Ang hirap din kasi talaga ng task na ito. Hindi ito madali for me so ‘wag mo akong masyadong i-pressure! Pero hayaan mo, aabot rin ako sa acceptance part. Kung kailangang mangutang ako ng lakas ng loob sa bangko, gagawin ko para mapayapa na ang kalooban ko at maka-move on na ako sa buhay. Deretsahan na tayo, hindi ako masayang nanalo ka. Pero sino ba naman ako kumpara sa milyung-milyong nauto mo. Pasalamat ka rin sa tatay mo at Binay ang apelyido mo. Kasi kung naging “Bingas” o kaya “Binat” ang surname mo, sa kangkungan ang bagsak mo, girl! Sure ako!

Oh, well. Panalo ka na. Natalo ako. Araw mo ito. Pero tandaan mo, bilog ang mundo. I will be closely watching you, bitch! Babantayan ko ang lahat ng kilos at galaw mo sa Senado. Kahit hindi na ako magka-lovelife kakabantay sa’yo, keri lang! Simula pa lang ng totoong laban so umayos ka.

At bilang unang paandar ni Senator Nancy Binay, gusto ko ipapanood ang nakakalokang interview na ito. Ang best n’ya kasi sumagot sa mga tanong ‘eh. Watch this!
_____________________________________

_____________________________________
Waaaah. DELUBYO!!! Grabe. Hindi ko kinaya!!! Say hello to our new Senator. 😦

At the end of day, kailangan nating mag-move on at tanggapin ang hatol ng bayan. Kailangan pa rin nating kumilos bilang isang bansa. Sana na lang mali ang mga iniisip ko. Sana na lang mali ako. Basta ang wish ko na lang is sana mahanap na natin ang sapat na lakas ng loob para matanggap ang resulta ng 2013 elections. Basta maging mapagmatyag lang tayo. Huwag tayong tumigil na magbantay sa mga kinikilos ng ating mga pinuno.

God Bless this country!!!

Yours Truly,

Madma

(Photo credit: http://www.facebook.com/ANCalerts, http://www.rappler.com)

(Video source: GMA News http://www.youtube.com/watch?v=4vmcNB1oTwg)

P.S. Isang pagpupugay sa mahigit 3 million na bomoto kay Mr. Teddy Casiño. Proud ako na at least may 3 million na Pinoy na sumuporta sa TUNAY NA PAGBABAGO. Masaya akong malaman na may mga tao pa rin sa Pilipinas na nag-iisip. Mabuhay kayong lahat! 🙂

To Mr. Teddy Casiño: Nawa ay hindi po kayo matinag sa paglilingkod sa sambayanang Pilipino. Sana hindi ito ang maging dahilan para tumigil kayo sa iyong maganda at kahanga-hangang gawain. Kailangan namin ng isang kagaya mo kaya sana ay patuloy ka pa ring maging aktibo sa pagsulong ng mga mahahalagang pagbabago.Nakasuporta po kame sa inyo.

Basta para sa akin, hindi ka man nanalo, ikaw pa rin ang Senador ko!

P.P.S. Happy Anniversary sa Your Truly, Madma!!! Grabe. One year na akong blogger!!! Nakakaloka. Ang bilis rin talaga ha. 🙂

Salamat sa mas pinalakas n’yong suporta!!! Asahan n’yo ang mga bagong pasabog ni Madma very soon. 🙂 One year na tayo. Shet. 😉

Muli, MARAMING SALAMAT!!! ❤

Advertisements